Tuesday, February 19, 2013

Impeng Negro

                                                                Impeng Negro
                                                              ni Rogelio Sikat

           Naghuhugas ng kamay sa giray na batalan ang maglalabing-anim na taong si Impeng ng mapahintodahil sa pangangaral ng kanyang ina.Baka raw kasi mapaaway na naman ito. Bago umalis, binilinan siya nito na dumaan kay taba pag-uwi at bumili ng gatas ni Boy, kanyang kapatid. Sa apat na magkakapatid, siya lang ang maitim dahil sina Kano, Boyet at Dingding ay mapuputi lalo na si Kano. Sa kanyang pag-alis, sinuot niya ang kamisetang maluwang na dati'y lapat nalapat sa kanya.
          Parati siyang sinasabihan ng ina na huwag pansinin si Ogor dahil talagang basagulero raw ito. Lagi niya itong tinatandaan ngunit sadyang hindi niya matagalan ang mga panlalait nina Ogor. Si Ogor na kahit kaila'y di siya tinuring na kaibigan. Siya ang malakas na agwador na kinatatakutan ng lahat. Di nagtagal, natanggap rin niya ang mga panlalait nito dahil iyon naman ang totoo.
           Agad siyang pumila sa may gripo nang marating na ito. Sa paglipas ng oras, nakaipon na siya ng sisenta sentimos at may isa pang nagpapa-igib sa kanya. Bagamat naiinitan, hindi na niya tinangka pang sumilong sa tindahan dahil naroon sina Ogor. Nang siya naman ang iigib biglang sumingit si Ogor, dahil dito ginusto na lang niyang umuwi ngunit pinatid siya nito. Ito ang dahilan kung bakit dumugo ang kanyang pisngi.
           Matapos nito ay sinipa pa siya at gumulong sa mga balde. Nagsipagtawanan ang mga tao. Muli siyang sinipa sa pigi ni Ogor. Ngunit ng akmang sisipain siya ulit nito, agad niyang kinagat ang kanang paa nito. Dito niya napadapa si Ogor.
          Nang muling mapailalim, pinilit niyang pumaibabaw at sa wakas, napailalim niya muli si Ogor. Dito samu't saring suntok ang pinaulan niya kay Ogor na nagpahina at nagpasuko dito. Tumayo siya at tiningnan ang mga tao, ang mga ito'y nahihiya na sa kanya. Dito, natuklasan niya ang kakaibang lakas na taglay at nadama ang tibay, tatag at kapangyarihan. At sa gitna ng matinding sikat ng araw, siya'y naging isang mandirigmang sugatan na nakatindig sa napagwagihang  larangan.

Ang Pintor


Ang Pintor
Jerry Gracio
Gumuhit siya ng ibon
Lumipad ito palayo
Gumuhit siya ng isda,
Lumangoy ito sa hangin.
Gumuhit siya ng bulaklak,
Nagkalat ang halimuyak sa dilim.
Iginuhit niya ang sarili,
At inangkin siya ng kambas.

Salamin

SALAMIN
Assunta Cuyegkeng
Walang kurap siyang titingin sa akin,
itong kakambal ko sa salamin.
Pag-aaralan ang linya at pekas
na unti-unti nang kumalat sa aking mukha
pag-aaralan pati ang mata kong
kape pala  ang kulay, hindi itim.
Walang kurap siyang magmamasid,
pag-aaralan ang takbo ng aking dibdib
na kung minsan, kumakabog,
kung minsan, natutulog.
Dito nagtatago ang aking mangingibig,
ina at ama, anak, kapatid,
ang init ng gising kong dugo,
ang hininga ng Diyos na matiyagang
nakikinig.
Tatapatan niya ako,
sisipatin mula paa hanggang ulo
at ihaharap sa akin,
walang retoke,
ang buo kong pagkatao.

Alamat ni Tungkung Langit


Ang Alamat ni Tungkung Langit
Hindi makapaniwala ang mga tao noon na wala naman talagang langit at lupa. Ako, si Alunsina, at ang asawa kong si Tungkung Langit ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Kaming dalawa lamang ang pinag-ugatan ng buhay. Mula sa kaibuturan ng kawalan, itinakda ng aming kasaysayan ang paglitaw ng daigdig ng mga tao.
Nabighani si Tungkung Langit nang una niya akong makita. Katunayan, niligawan niya ako nang napakatagal, sintagal ng pagkakabuo ng tila walang katapusang kalawakan na inyong tinitingala tuwing gabi. At paanong hindi mapaiibig si Tungkung Langit sa akin? Mahahaba’t mala-sutla ang buhok kong itim. Malantik ang aking balakang at balingkinitan ang mahalimuyak na katawan. Higit sa lahat, matalas ang aking isip na tumutugma lamang sa gaya ng isip ni Tungkung Langit.
Kaya sinikap ng aking matipuno’t makapangyarihang kabiyak na dalhin ako doon sa pook na walang humpay ang pag-agos ng dalisay, maligamgam na tubigan. Malimit kong marinig ang saluysoy ng tubig, na siya ko namang sinasabayan sa paghimig ng maririkit na awit. Napapatigalgal si Tungkung Langit tuwing maririnig ang aking tinig. “Alunsina,” aniya, “ikaw ang iibigin ko saan man ako sumapit!” Pinaniwalaan ko ang kaniyang sinambit. At ang malamig na simoy sa paligid ang lalo yatang nagpapainit ng aming dibdib kapag kami’y nagniniig.
Napakasipag ng aking kabiyak. Umaapaw ang pag-ibig niya; at iyon ang aking nadama, nang sikapin niyang itakda ang kaayusan sa daloy ng mga bagay at buhay sa buong kalawakan.
Iniatang niya sa kaniyang balikat ang karaniwang daloy ng hangin, apoy, lupa, at tubig. Samantala’y malimit akong maiwan sa aming tahanan, na siya ko namang kinayamutan. Bagaman inaaliw ko ang sarili sa paghabi ng mga karunungang ipamamana sa aming magiging anak, hindi mawala sa aking kalooban ang pagkainip. Wari ko, napakahaba ang buong maghapon kung naroroon lamang ako’t namimintana sa napakalaki naming bahay.
Madalas akong gumawi sa aming pasigan, at manalamin sa malinaw na tubig habang sinusuklay ang mababangong buhok. Ngunit tuwing tititig ako sa tubig, ang nakikita ko’y hindi ang sarili kundi ang minamahal na si Tungkung Langit.
Sabihin nang natutuhan ko kung paano mabagabag. Ibig kong tulungan ang aking kabiyak sa kaniyang mabibigat na gawain. Halimbawa, kung paano itatakda ang hihip ng hangin. O kung paano mapasisiklab ang apoy sa napakabilis na paraan. O kung paano gagawing malusog ang mga lupain upang mapasupling nang mabilis ang mga pananim. Ngunit ano man ang aking naisin ay hindi ko maisakatuparan. Tumatanggi ang aking mahal. “Dito ka na lamang sa ating tahanan, Alunsina, di ko nais na makita kang nagpapakapagod!”
Tuwing naririnig ko ang gayong payo ni Tungkung Langit, hindi ko mapigil ang maghinanakit. Kaparis ko rin naman siyang bathala, bathala na may angkin ding kapangyarihan at dunong. Tila nagtutukop siya ng mga tainga upang hindi na marinig ang aking pagpupumilit. Nagdulot iyon ng aming pagtatalo. Ibig kong maging makabuluhan ang pag-iral. At ang pag-iral na yaon ang sinasagkaan ng aking pinakamamahal.
Araw-araw, lalong nagiging abala si Tungkung Langit sa kaniyang paggawa ng kung ano-anong bagay. Makikita ko na lamang siyang umaalis sa aming tahanan nang napakaaga, kunot ang noo, at tila laging malayo ang iniisip. Aaluin ko siya at pipisilin naman niya ang aking mga palad . “Mahal kong Alunsina, kapag natapos ko na ang lahat ay wala ka nang hahanapin pa!” At malimit nagbabalik lamang siya kapag malalim na ang gabi.
Sa mga sandaling yaon, hindi ko mapigil ang aking mga luha na pumatak; napapakagat-labi na lamang ako habang may pumipitlag sa aking kalooban.
Dumating ang yugtong nagpaalam ang aking kabiyak. “Alunsina, may mahalaga akong gawaing kailangang matapos,” ani Tungkung Langit. “Huwag mo na akong hintayin ngayong gabi’t maaga kang matulog. Magpahinga ka. Magbabalik din agad ako. . . .” May bahid ng pagmamadali ang tinig ng aking minamahal. Lingid sa kaniya, nagsisimula nang mamuo sa aking kalooban ang matinding paninibugho sa kaniyang ginagawa. Umalis nga si Tungkung Langit at nagtungo kung saan. Subalit pinatititikan ko siya sa dayaray upang mabatid ang kaniyang paroroonan. Ibig ko siyang sundan.
Natunugan ni Tungkung Langit ang aking ginawa. Nagalit siya sa dayaray at ang dayaray ay isinumpa niyang paulit-ulit na hihihip sa dalampasigan upang ipagunita ang pagsunod niya sa nasabing bathala. Samantala, nagdulot din yaon ng mainit na pagtatalo sa panig naming dalawa.
“Ano ba naman ang dapat mong ipanibugho, Alunsina?” asik ni Tungkung Langit sa akin. “Ang ginagawa ko’y para mapabuti ang daloy ng aking mga nilikha sa daigdig ng mga tao!” Napoot ang aking kabiyak sa akin. Nakita ko sa kaniyang mga mata ang paglalagablab, at lumalabas sa kaniyang bibig ang usok ng pagkapoot. Dahil sa nangyari, inagaw niya sa akin ang kapangyarihan ko. Ipinagtabuyan niya ako palabas sa aming tahanan.
Oo, nilisan ko ang aming bahay nang walang taglay na anumang mahalagang bagay. Nang lumabas ako sa pintuan, hindi na muli akong lumingon nang hindi ko makita ang bathalang inibig ko noong una pa man. Hubad ako nang una niyang makita. Hubad di ako nang kami’y maghiwalay.
Alam kong nagkamali ng pasiya si Tungkung Langit na hiwalayan ako. Mula noon, nabalitaan ko na lamang na pinananabikan niya ang paghihintay ko sa kaniya kahit sa gitna ng magdamag; hinahanap niya ang aking maiinit na halik at yakap; pinapangarap niyang muling marinig ang aking matarling na tinig; inaasam-asam niya na muli akong magbabalik sa kaniyang piling sa paniniwalang ibig kong makamit muli ang kapangyarihang inagaw niya sa akin. Ngunit hindi.
Hindi ko kailangan ang aking kapangyarihan kung ang kapangyarihan ay hindi mo rin naman magagamit. Hindi ko kailangan ang kapangyarihan kung magiging katumbas iyon ng pagkabilanggo sa loob ng bahay at paglimot sa sariling pag-iral.
Ipinaabot sa akin ng dayaray ang naganap sa dati naming tahanan ni Tungkung Langit. Sinlamig ng bato ang buong paligid. Pumusyaw ang dating matitingkad na palamuti sa aming bahay. Lumungkot nang lumungkot si Tungkung Langit at laging mainit ang ulo. “Mabuti naman,” sabi ko sa dayaray. “Ngayon, matututo rin si Tungkung Langit na magpahalaga sa kahit na munting bagay.”
Umaalingawngaw ang tinig ni Tungkung Langit at inaamo ako dito sa aking bagong pinaghihimpilan upang ako’y magbalik sa kaniya. Ayoko. Ayoko nang magbalik pa sa kaniya. Kahit malawak ang puwang sa aming pagitan, nadarama ko ang kaniyang paghikbi. Oo, nadarama ko ang kaniyang pighati. Lumipas ang panahon at patuloy niya akong hinanap. Ngunit nanatili siyang bigo.
Ang kaniyang pagkabigo na mapanumbalik ang aking pagmamahal ay higit niyang dinamdam. Nagdulot din yaon sa kaniya upang lalong maging malikhain sa paghahanap. Akala niya’y maaakit ako sa kaniyang gawi. Habang nakasakay sa ulap, naisip niyang lumikha ng malalawak na karagatan upang maging salamin ko. Hindi ba, aniya, mahilig si Alunsina na manalamin sa gilid ng aming sapa? Nababaliw si Tungkung Langit. Hind gayon kababaw ang aking katauhang mabilis maaakit sa karagatan.
Pumaloob din si Tungkung Langit sa daigdig na nilikha niya na laan lamang sa mga tao. Naghasik siya ng mga buto at nagpasupling ng napakaraming halaman, damo, palumpong, baging, at punongkahoy. “Marahil, maiibigan ito ni Alunsina,” ang tila narinig kong sinabi niya. Gayunman, muli siyang nabigo dahil hindi ako nagbalik sa kaniyang piling.
Humanap pa ng mga paraan ang dati kong kabiyak upang paamuin ako. Halimbawa, kinuha niya sa dati naming silid ang mga nilikha kong alahas. Ipinukol niya lahat ang mga alahas sa kalawakan upang masilayan ko. Naging buwan ang dati kong ginintuang suklay; naghunos na mga bituin ang mga hiyas ko’t mutya; at naging araw ang ginawa kong pamutong sa ulo. Kahit ano pa ang gawin ni Tungkung Langit, hindi na muli akong nagbalik sa kaniyang piling.
Namighati siya. At nadama niya kung paanong mamuhay nang mag-isa, gaya lamang ng naganap sa akin dati doon sa aming tirahan. Lumuha nang lumuha si Tungkung Langit, at ang kaniyang pagluha ay nagdulot sa unang pagkakataon ng pag-ulan. Kapag siya’y humahagulgol, nagbubunga yaon ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. May panahong tumitindi ang kaniyang pighati, kaya huwag kayong magtaka kung bakit umuulan. Ang mga luha ni Tungkung Langit ang huhugas sa akin, at sa aking kumakawag na supling.

Kung Bakit Umuulan


KUNG BAKIT UMUULAN
Isang Kuwentong Bayan
Noong unang panahon, wala pang mundo, wala pang araw at buwan, wala pangoras, at wala pang buhay o kamatayan. Mayroon lang dalawang Diyos, si Tungkung Langit, at ang kaniyang kabiyak na si Alunsina.
“Tingnan mo, mahal, lilikhain ko ang santinakpan para sa iyo!” pagmamalaking sabi ni Tungkung Langit.
“Hayaan mong tulungan kita, kaya ko ring lumikha,” ang sabi ni Alunsina.
“Huwag kang mag-alala, mahal, ito ang regalo ko sa iyo: ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ang mga ulap, at ang hangin.”
“Pero makapangyarihan din naman ako, dahil isa akong Diyosa,” bulong ni Alunsina.
Ngumiti lang si Tungkung Langit at niyakap si Alunsina. Pagkatapos, tumindig siya nang matikas, huminga nang malalim, at sumigaw nang pagkalakas-lakas sa kawalan.
Lahat ng sabihin ni Tungkung-Langit ay nagkatotoo. Kumalat ang sinag ng bagong likhang araw. Kumislap-kislap ang mga bituin. Umikot ang mga planeta at lumiwanag ang buwan. Humangin nang pagkalakas-lakas.
At naulit ito nang naulit. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina, kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niyang gumamit ng kahit isang daliri si Alunsina upang lumikha ng kahit isang bagay.
“Mas gugustuhin kong maupo ka na lang, magpahinga, at maging maganda,” ang sabi ni Tungkung Langit kay Alunsina.
Ngunit sawa na si Alunsina sa ganoong klaseng buhay. Naramdaman niyang parang wala siyang silbi bilang Diyosa. Gusto niyang lumikha.
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Tungkung Langit sa kaniyang iniibig, “wawakasan ko ang iyong pagkabagot. Lilikha ako ng… oras!” At nagsimula nga ang oras.
Kasamang nalikha ng oras ang alaala… at naalala ni Alunsina ang panahong wala pang laman ang kalawakan, nang hindi siya nakalikha ng kahit ano. “Gusto kong lumikha!” sabi ni Alunsina.
Isang araw, patagong sinundan ni Alunsina si Tungkung Langit. Nang makita siya ni Tungkung Langit, agad siyang tinanong: “Bakit ka narito? Bakit mo ako sinusundan?”
“Gusto kong lumikha! Diyos din ako tulad mo!” sabi ni Alunsina.
“Nababagot ka ba uli, mahal? Huwag kang mag-alala, lilikhain ko ang kulog at kidlat para sa iyo!”
Lumiwanag at dumagundong sa buong kalangitan dahil sa kulog at kidlat. Nagulat ang buong santinakpan. Nagtago ang araw, ang buwan at bituin. Kahit ang hangin ay tumigil sa pag-ihip! Pero hindi natinag si Alunsina. Nakatayo lang siya roon, nanonood, nakakunot ang noo.
“Sawa na akong panoorin ka lang lumikha ng planeta at araw at bituin! Sawa na akong naririto lang, nakaupo, walang ginagawa! Kaya kong lumikha! Isa rin akong Diyosa!”
Pero hindi siya pinakinggan ni Tungkung Langit. Umalis siya at lumikha pa ng maraming bagay sa kalawakan. Akala niya ay nagpapapansin lang si Alunsina.
Hindi na nakayanan ni Alunsina ang lungkot sa kaniyang puso, kaya lumayas siya sa kanilang tirahan. Pag-uwi ni Tungkung Langit, gulat na gulat siya nang makitang walang apoy sa kanilang kalan, walang pagkain sa kanilang mesa. At wala na rin ang kaniyang Alunsina.
“Alunsina! Alunsina!” Hinanap nang hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito matagpuan. Tinawag niya nang tinawag ang pangalan ni Alunsina, ngunit walang binalik ang hangin kundi alingawngaw.
Lumipas ang mahabang panahon, at nasawa rin sa paglikha si Tungkung Langit. Araw-araw, hinanap ni Tungkung Langit ang kaniyang iniibig. Ngunit wala siyang nakita.
Isang araw, sumilip si Tungkung Langit mula sa ilang ulap. Hinawi niya ang mga ulap at sa kaniyang gulat, naroon ang kaniyang asawang si Alunsina.
“Anong ginagawa mo diyan, mahal? Matagal na kitang hinahanap!”
Tumingala si Alunsina. Kitang-kita sa kaniyang mukha ang kaligayahang matagal nang hinahangad ni Tungkung Langit.
“Nilikha ko ang daigdig. Ang daigdig na may puno at halaman, isda at mga ibon.
Nilikha ko ang mga bundok, ang langit, ang karagatan. Nilikha ko ang buhay, dahil isa rin akong Diyos.” At nagpatuloy si Alunsinang lumikha.
Nasaktan si Tungkung Langit. Ang kaligayahang nakita niya sa mukha ng kaniyang asawa ay hindi dahil sa pagkakita sa kaniya.
Mula noon, hindi na bumalik si Alunsina sa kalangitan. Paminsan-minsan, sinusubok siyang pabalikin ni Tungkung Langit sa pamamagitan ng paglikha ng kulog at kidlat. Ngunit hindi na babalik muli si Alunsina.
Mula noon, upang mabisita ni Tungkung Langit ang kaniyang dating asawa, kailangan niyang mag-anyong ulan. Ulan na didilig sa daigdig na nilikha ng kaniyang iniibig, si Alunsina.

Isang Dosenang Klase ng High School Student


Isang Dosenang Klase ng High School
(Halaw sa librong ABNKKBSNPLAko?!)
Ni: Bob Ong

Clowns- Ang official kenkoy ng klase. May mga one-liner na gumigising sa lahat kapag nagkakaantukan na. Sabi ng mga teacher, eto raw ‘yung mga KSP sa klase na dahil hindi naman matalino e idinadaan nalang sa patawa ang pagpapapansin. Pero aaminin ko, walang klaseng walang ganito, at kung mayroon man, magiging matinding sakripisyo ang pagpasok sa eskwela araw-araw.

Geeks- Mga walang pakialam sa mundo, libro-teacher-blackboard lang ang iniintindi. Kahit na mainit ang ulo at badtrip ang teacher, ang mga geeks ang walang takot na lumalapit sa kanila para lang itanong kung mag-iiba ang resulta ng equation kung isa-substitute ‘yung value ng X sa Y.

Hollow Man- May dalawang uri ng HM virus, ang type A at type B. Ang type A ay mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent. Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz, hollow ang utak.

Spice Girls- Barkadahan ng mga kababaihang mahilig gumimik, sabay-sabay pero laging late na pumapasok ng room pagkatapos ng recess at lunch break. Madalas na may hawak na suklay, brush at songhits. Pag pinagawa mo ng grupo ang isang klase, laging magkakasama sa iisang grupo ang SG.

Da Gwapings- Ang male counterpart ng SG, isinilang sa mundo para magpa-cute. Konti lang ang miyembro nito, mga dalawa hanggang apat lang, para mas pansin ang bawat isa. Tulad ng SG, kadalasang puro hair gel lang ang laman ng mga utak ng mga DG.

Celebrities- Politicians, athletes, at performers. Politicians ang mga palaban na mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng eskwelahan at kapwa estudyante kesa sa grades nila sa Algebra. Athletes ang ilang varsitirian na kung gaano kabilis tumakbo e ganoon din kabagal magbasa. Performers naman ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa eskwela e para makasayaw, makakanta, at makatula sa stage sa tuwing Linggo ng Wika. Sa pangkalahatan, ang mga celebreties ay may matinding PR, pero mababang IQ.

Guinnees-  Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation. Paulit-ulit at madalas magtaas ng kamay kahit na mali ang sagot.

Leather Goods- Mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon. Laging determinado ang mga ito sa harapang pangongopya, bulgarang pandaraya, at palagiang pagpapalapad ng papel sa teacher. Talo ang balat ng buwaya sa pakapalan.

Weirdos- Mga problematic students, misunderstood daw, kadalasang tinatawag na black sheep ng klase. May kanya-kanya silang katangian. Konti ang kaibigan, madalas mapaaway, mababa ang grades, at teacher’s enemy.

Mga Anak ni Rizal- Ang endangered species sa eskwelahan. Straight ‘A’ students, pero well rounded at hindi geeks. Teacher’s pet, pero hindi sipsip. Hari ng Math, Science, at English, pero may oras pa rin sa konting extra-curricular activities at gimmicks.

Bob Ongs- Mga medyo matino na medyo may sayad. Eto ‘yung estudyanteng habang nagle-lecture ‘yung teacher e pinaplano na ‘yung librong ipa-publish nya tungkol sa mga classmates n’ya.

Commoners- Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at katangiang umuukit sa isipan. Hindi sila kagad napapansin ng teacher pag absent, at sa paglipas ng panahon, sila ang mga taong unang nakakalimutan ng mga teachers at classmates nila.

Sandaang Damit


SANDAANG DAMIT
May isang batang mahirap. Nag-aaral siya. Sa paaralan ay kapansin-pansin ang
kanyang pagiging walang-imik. Malimit siyang nag-iisa. Laging nasa isang sulok. Kapag
nakaupo na’y tila ipinagkit. Laging nakayuko, mailap ang mga mata, sasagot lamang
kapag tinatawag ng guro. Halos paanas pa kung magsalita.
Naging mahiyain siya sapagkat maaga niyang natuklasang kaiba ang kanyang
kalagayan sa mga kaklase. Ipinakita at ipinabatid nila iyon sa kanya. Mayayaman
sila. Magaganda at iba-iba ang kanilang damit na pamasok sa paaralan. Malimit nila
siyang tuksuhin sapagkat ang kanyang damit, kahit nga malinis, ay halatang luma na,
palibhasa’y kupasin at punung-puno ng sulsi.
Ilarawan ang pisikal at emosyunal na kalagayan ng batang babae.
Kapag oras na ng kainan at labasan na ng kani-kanilang pagkain, halos ayaw niyang
ilitaw ang kanyang baon. Itatago niya sa kandungan ang kanyang pagkain, pipiraso ng
pakonti-konti, tuloy subo sa bibig, mabilis upang hindi malaman ng mga kaklase ang
kanyang dalang pagkain. Sa sulok ng kanyang mata ay masusulyapan niya ang mga
pagkaing nakadispley sa ibabaw ng pupitre ng mga kaklase: mansanas, sandwiches,
kending may iba-ibang hugis at kulay na pambalot na palara.
Ang panunukso ng mga kaklase ay hindi nagwawakas sa kanyang mga damit.
Tatangkain nilang silipin kung ano ang kanyang pagkain at sila’y magtatawanan kapag
nakita nilang ang kanyang baon ay isa lamang pirasong tinapay na karaniwa’y walang
palaman.
Kaya lumayo siya sa kanila. Naging walang kibo. Mapag-isa.
Ang nangyayaring ito’y hindi naman lingid sa kanyang ina. Sa bahay ay di minsan
o makalawa siyang umuuwing umiiyak dahil sa panunukso ng mga kaklase, at siya’y
magsusumbong. Mapapakagat-labi ang kanyang ina, matagal itong hindi makakakibo, at
sabay haplos nito sa kanyang buhok at paalong sasabihin sa kanya, hayaan mo sila anak,
huwag mo silang pansinin, hamo, kapag nakakuha ng maraming pera ang iyong ama,
makakapagbaon ka na rin ng masasarap na pagkain, mabibili na rin kita ng maraming
damit.
At lumipas pa ang maraming araw. Ngunit ang ama’y hindi pa rin nakapag-uwi ng
maraming pera kaya ganoon pa rin ang kanilang buhay. Ngunit ang bata’y unti-unting
SANDAANG DAMIT
Fanny Garcia
nakaunawa sa kanilang kalagayan. Natutuhan niyang makibahagi sa malaking suliranin
ng kanilang pamilya. Natutuhan niyang sarilinin ang pagdaramdam sa panunukso ng
mga kaklase. Hindi na siya umuuwing umiiyak. Hindi na siya nagsusumbong sa kanyang
ina.
Sa kanyang pagiging tahimik ay ipinalalagay ng kanyang mga kaklase na siya’y
kanilang talun-talunan kaya lalong sumidhi ang kanilang pambubuska. Lumang damit.
Di masarap na pagkain. Mahirap. Isinalaksak nila sa kanyang isip.
Hanggang isang araw ay natuto siyang lumaban.
Sa buong pagtataka nila’y bigla na lamang nagkatinig ang mahirap na batang
babaeng laging kupasin, puno ng sulsi, at luma ang damit, ang batang laging kakaunti
ang baong pagkain. Yao’y isa na naman sanang pagkakataong walanng magawa ang
kanyang mga kaklase at siya na naman ang kanilang tinutukso.
“Alam n’yo,” aniya sa malakas at nagmamalakiing tinig, “ako’y may sandaang damit
sa bahay.”
Nagkatinginan ang kanyang mga kaklase, hindi sila makapaniwala.
“Kung totoo ya’y ba’t lagi na lang luma ang suot mo?”
Mabilis ang naging tugon niya, “Dahil iniingatan ko ang aking sandaang damit.
Ayokong maluma agad.”
“Sinungaling ka! Ipakita mo muna sa’min para kami maniwala!” Iisang tinig na sabi
nila sa batang mahirap.
“Hindi ko madadala rito. Baka makagalitan ako ni Nanay. Kung gusto n’yo’y
sasabihin ko na lang kung ano ang tabas, kung ano ang tela, kung ano ang kulay, kung
may laso o bulaklak.”
At nagsimula na nga siyang malarawa ng kanyang mga damit. Ayon sa kanya’y
may damit siya para sa iba-ibang okasyon. May damit siyang pambahay, pantulog,
pampaaralan, pansimbahan, at iba pa.
Naging mahaba ang kanyang pagkukuwento. Paano’y inilarawan niya hanggang
kaliit-liitang detalye ang bawat isa sa kanyang sandaang damit. Tulad halimbawa ng
isang damit na pandalo niya sa pagtitipon. Makintab na rosas ang tela nito na sinabugan
ng pinaggu[it-gupit na mumunting bulaklak at makikislap na rosas at puting abaloryo.
Bolga ang manggas. May tig-isang malaking laso sa magkabilang balikat. Hanggang
sakong ang haba ng damit.
O kaya’y ang kanyang dilaw na pantulog na may prutas sa kuwelyo, manggas, at
laylayan. O ang kanyang putting pansimba na may malapad na sinturon at malalaking
bulsa.
Mula noo’y naging kaibigan niya ang mga kaklase. Ngayo’y siya ang naging
tagapagsalita at sila naman ang kanyang tagapakinig. Lahat sila’y natutuwa sa kanyang
kuwento tungkol sa sandaang damit. Nawala ang kanyang pagkamahiyain. Naging
masayahin siya bagaman patuloy pa rin ang kanyang pamamayat kahit ngayo’y
nabibigyan nila siya ng kapiraso ng kanilang baong mansanas o sandwich, isa o dalawang
kendi.
Ngunit isang araw ay hindi pumasok sa klase ang mahirap na batang babaeng may
sandaang damit. Saka ng sumunod na araw. At nang sumunod pa. At pagkaraan ng
isang linggong hindi niya pagpasok ay nabahala ang kanyang mga kaklase at guro.
Isang araw ay nagpasya silang dalawin ang batang matagal na lumiban sa klase. Ang
natagpuan nilang bahay ay sira-sira at nakagiray na sa kalumaan.
Sumungaw ang isang babaeng payat, iyon ang ina ng batang mahirap. Pinatuloy
sila at nakita nila ang maliit na kabuuan ng kabahayan na salat na salat sa anumang
marangyang kasangkapan. At sa isang sulok ay isang lumang teheras at doon naratay
ang batang babaeng may sakit pala. Ngunit sa mga dumalaw ay di agad ang maysakit
ang napagtuunang-pansin kundi ang mga papel na maayos na maayos na nakahanay
at nakadikit sa dingding na kinasasandigan ng teheras. Lumapit sila sa sulok na yaon
at nakita nilang ang mga papel na nakadikit sa dingding ay ang drowing ng bawat isa
sa kanyang sandaang damit. Magaganda, makukulay. Naroong lahat ang kanyang
naikuwento. Totoo’t naroon ang sinasabi niyang rosas na damit na pandalo sa
pagtitipon. Naroon din ang drowing ng kanyang pantulog, ang kanyang pansimba, ang
sinasabi niyang pamasok sa paaralan na kailanma’y hindi nasilayan ng mga kaklase dahil
ayon sa kanya’y nakatago’t iniingatan niya sa bahay.
Sandaang damit na pawang iginuhit lamang.

Ang Sundalong Patpat


ANG SUNDALONG PATPAT
Rio Alma
Unang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. “Dumarating ito kung kailan gusto.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikalawang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng manok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang nakalimot na ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. “Pero hindi hinahanap ang ulan,” nagtatakang tilaok ng manok. “Dumarating ito kung tinatawagan at dinasalan.” “Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kaniyang kabayong payat.

Ikatlong Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng bundok. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nawawalang ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang hinihimas ang kabayong humihingal. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng kalbong bundok. “Nagtago sa pinakamataas na ulap.” “Kung gayon, aakyatin ko ang ulap,” sabi ng Sundalong Patpat at umimbulog agad sa simoy na pumapagaspas.

Ikaapat na Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng ulap. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat habang tinatapik ang nahihilong kabayong payat. “Matagal nang umalis dito ang ulan,” paliwanag ng maputlang ulap. “Nagtago sa pusod ng dagat.” “Kung gayon, sisisirin ko ang dagat,” sabi ng Sundalong Patpat at lumundag pabulusok sa mga along nakatinghas.

Ikalimang Pangkat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng dagat. “Saan ka dadalhin ng kabayong payat?” “Hinahanap ko ang nagtatagong ulan,” sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. “Pero hindi nagtatago ang ulan,” paliwanag ng nagniningning na dagat. “Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas.” “Kung gayon, papatayin ko si Pugita,” sabi ng matapang na Sundalong Patpat. “Palalayain ko ang ulan.”At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat.

Una at Ikalawang Pangkat: Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang malalaki’t mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong hari ng dagat!

Ikatlo at Ikaapat na Pangkat: Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pag-ahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng ulap at sumabog na masaganang ulan.

Ikalimang Pangkat: Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli’t naglaro ang mga damo’t dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog…

Lahat: “Saan ka pupunta, O, Sundalong Patpat,” tanong ng sampalok. “Saan ka na naman dadalhin ng kabayong payat?” “Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari,” sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.

Batang bata ka pa ~ APO Hiking Society


Batang bata ka pa
Batang-bata ka pa at marami ka pang
Kailangang malaman at intindihin sa mundo
Yan ang totoo
Nagkakamali ka kung akala mo na
Ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

Batang-bata ka lang at akala mo na
Na alam mo na ang lahat na kailangan mong malaman buhay ay di ganyan
Tanggapin mo na lang ang katotohanan
Na ikaw ay isang musmos lang na wala pang alam
Makinig ka na lang, makinig ka na lang

(APO)
[chorus 1]
Ganyan talaga ang buhay lagi kang nasasabihan
Pagkat ikaw ay bata at wala pang nalalaman
Makinig ka sa ‘king payo pagkat musmos pa lamang
At malaman nang maaga ang wasto sa kamalian

(Boboy)
Batang-bata ako at nalalaman ko ‘to
Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan
Ngunit kahitganyan ang kinalalagyan
Alam mo na may karapatan angbawat nilalang kahit bata pa man, kahit bata pa man

(APO)
[chorus 2]
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan
Imulat ang isipan sa mga kulay ng buhay
Maging tunay na malaya ‘sang katangi-tanging bata

(Danny)
Batang-bata ka pa at marami ka pang kailangang malamn at intindihin sa mundo

(Boboy)
Nais ko sanang malaman ang mali sa katotohanan

(Danny)
Batang-bata ka lang at akala mo na, na alam mo na ang lahat na kailangang malaman

(Boboy)
Sariling pagraranas ang aking pamamagitan

(Danny)
Nagkakamali ka kung akala mo na ang buhay ay isang mumunting paraiso lamang

(APO)
La, la, la, la, la, la, la
La, la, la, la, la, la, la